+639239790475

Send us an email at parasamgabata@gmail.com. Use the hashtag #parasamgabata on Twitter.

Children In Conflict With The Law 2

TEXT OF SPEECH BY CAPT. ALBERTO "BOJIE'' TABLAN
PUNONG BARANGAY- BARANGAY MABINI - J. RIZAL
MODEL BARANGAY 2011 CITY OF MANDALUYONG
THREE TERMER

Kay Madam Brenda Vigo, Executive Director, CWC…. Sa mga organizers ng Programang ito…Sa mga Panauhin at iba pang Resource Speakers na nandirito, Magandang hapon po sa inyong lahat… (Adlib)

Ako po si Alberto “Bojie” Tablan, Punong Barangay ng Barangay Mabini-J. Rizal, sa Lunsod ng Mandaluyong. Nasa ikatlo at huling term na po ako ng panunungkulan bilang kapitan ngunit maari pong muling tumakbo kung magkakaroon ng Synchronization ang halalan. Bachelor in Science of Crimonology, yan po ang aking degree, ngunit hindi po ako nag pulis sa halip ay pumasok po ako sa pelikula, sa bakuran ng FPJ Productions. Outdoor Advertising Manager po ako duon, hindi po artista. Pagalis ko po duon, di naglipat panahon ay tumakbo ng nga akong kapitan at pinalad naman pong magwagi.

” BATA BATA….Nagkasala Man, Protektado at Mahal ng Komunidad Ko. ”

CHILDREN IN CONFLICT WITH THE LAW – PHILIPPINE SETTING

> Over 50,000 children have been arrested in the Philippines from 1995 to 2000 as per report from the Council for the Welfare of Children.

> 8 out 10 Children in conflict with the law will commit only one offense in their lifetime and they will be called first time offenders

> From 2003 to date, over 26,000 children have been provided with Legal Assistance by the Public Attorney’s Office.

> In many of these cases, Minors were often detained together with Adult offenders.

> More than half of the crimes they are charged with are not serious offenses. (A)These include petty theft, sniffing of solvents, violation of curfew hours. (B) Most are eventually dismissed by the courts for the failure of the witnesses to appear during the trial or out of court settlements were made. (C) Many children experience detention in sub standard conditions for so long periods of time before their cases are finally resolved….

AYON SA PINAKAHULING PAG-AARAL NG – SAVE THE CHILDREN-UK AT NG UNICEF:

(1) Ang kahirapan ang pangunahing dahilan kung kayat nalalagay sa kritikal na kalagayan ang mga kabataang nakagagawa ng krimen. (2) Ang panglilimos at pagtitinda ay kanila nang nagiging hanapbuhay
(3) higit na marami ang mga batang lalaki na nasasangkot sa kaso kaysa sa mga babae.
(4) 14 ang naitalang kadalasang edad ng mga batang sangkot sa CICL.

BARANGAY MABINI -J. RIZAL – Kanlungan ng mga bata, Nagkasala man, Kasama at inuunawa ni Kapitan…

Taong 2002 nagsimula ang panunungkulan ng inyong lingkod bilang Punong Barangay. Isang madilim na pangitain ng walang kaayusan, ng kawalan ng direksiyon ang aking dinatnan… Naging hamon sa aking sarili ang pagbuo ng isang kumunidad na angkop na tumutugon sa pangangailangan ng kanyang mga mamamayan at maayos na umiinog sa loob ng isang mayamang lunsod katulad ng Mandaluyong. Hindi po kami sumuko at amin pong ipinaglaban ang aming mga magagandang layunin… at sa oras po ng kapaguran at pagdududa ng aking mga kasamahan, ang tanging paalalang madalas kong iusal sa kanila ay…”Kung hindi tayo, sino ang kikilos? Kung hindi ngayon, kaylan ang tamang panahon?

Hindi po birong hirap at pagod ang aming naranasan sa pagnanais po naming maging bahagi ng pagbabagong bihis ng aming barangay. At mula nga po sa dati nitong imaheng pugad ng mga snatcher at mga sanggano, na ang barangay hall ay kasama halos ng isang Squatters Colony, ng walang kaayusan at walang katiyakan ng patutunguhan, unti unti naming napagtagumpayan sa pagdaraan ng panahon ang mimimithi naming pagbabago, kaakibat na rito ang walang sawang pag-alalay ng aming Mayor at Congressman, ang dating masalimuot na barangay Mabini- J. Rizal ay napili na ngang Model Barangay ng Mandaluyong, hanggang sa itanghal na nga ang Mandaluyong na Child Friendly City sa buong National Capital Region at di nga po naglaon ay napagtagumpayan nitong makuha ang karangalang maging Most Child Friendly City ng buong kapuluan ng Pilipinas, sa kategoryang Highly Urbanized City….

Community plays a vital role in human behavior. People change their behavior according to their environment. Ayon sa pag-aaral ni JEANNE BROOKS GUNN, sa kanyang Psychological Bulletin noong tang 2000, malaki ang epekto ng komunidad sa pangsikolohikal at panlipunanag pag-uugali ng bawat residente. Ang komunidad daw na walang kaayusan at walang tamang pamamalakad ay nakahihikayat sa mga mamamyan nito upang gumawa ng masama o ang nagiging dahilan ng kanyang kasamaan. Ito nga po ang naging gabay ng inyong lingkod tungo sa pagbabago ng anyo ng kabuuan ng aming nasasakupan, kasabay ng pagpapatupad ng mga kaukulang batas at ordinansa para sa kaayusan, katahimikan at kaunlaran ng aming barangay.

Mula po taong 2007 hanggang sa kasalukuyan, naitala po sa aming barangay ang ilang maliliit na kaso na may partisipasyon ang mga kabataan patungkol sa CICL. Hindi naman po mabibigat ang mga kaso. kadalasan po ay paglabag sa curfew hours at bagansiya, ilang kaso ng nakawan at paginom ng alak sa mga pampublikong lugar. Ang mga datos po ay mahusay naming naitala… Mula po sa bilang na 150 kaso ng Curfew at Vagrancy noong 2007, sa pagdaraan po ng mga taon ito ay bumaba ng bumaba hanggang sa naging 20 kaso na lamang ngayong 2011. Ang Drinking Liquor in Public Places na kaso noong 2007 po ay naitala namin ang 43 kaso na lumiit nga po ng lumiit sa pagdaraan ng panahon at sa taong ito ay wala pa po kaming naitatalang ganoong kaso… Ganoon din po ang Petty Theft, mula sa 9 na kaso noon ngayon ay wala pa rin pong kasong naitatala.

Nais po naming isipin na ang pagbaba ng bilang mga kaso at ang tuluyang pagkawala na ng ibang kaso ay indikasyon na napagtagumpayan namin ang aming kampanya upang maisaayos ang barangay at maipatupad ang mga batas at ordinansang may kinalalamaaan sa proteksiyon at kaligtasan ng aming mga nasasakupan, lalo’t higit ang kabuuan ng aming mga kabataan. Ngayong taon at sa darating pang mga taon, makaaasa ang aming lunsod na higit naming pagiibayuhin ang pagsasakatuparan ng aming adhikaing mapanatili ang disiplina, kaayusan at katahimikan sa aming barangay…

ILAN SA MGA INOBASYONG AMING ISINAGAWA UPANG HIGIT NA PAIGTINGIN ANG PARTISIPASYON NG MGA RESIDENTE AT KABATAAN SA PAGBABANTAY NG KOMUNIDAD.

1. Pagtatalaga sa mga tricycle drivers na miyembro ng TODA ng aming barangay bilang mga “citizens crime watch members” at “monitoring personnel” sa aming lugar. Dahilan sa kanilang kasipagan, marami pong suliranin na may kaugnayan sa droga ang aming nalutas. Kasama na rito ang pagkabawas ng mga insidente ng nakawan at illegal na bentahan ng mga kagamitan at kung ano ano. Madalas po kasing ang mga divers na ito ang nagiging saksi at nakaririnig ng mga bagay bagay na may kaugnayan sa mga illegal na gawain… Sila na rin po ang nagpapa-alala sa mga kabataan kung ang mga ito ay nakakalimot sa oras ng curfew…

2. Paghihikayat sa mga magulang upang magkaroon ng partisipasyon sa pagreresolba sa mga kasong kinahaharap ng kanilang menor de edad na mga anak, tungo sa maayos na usapan at epektibong solusyon. Kadalasan po nuong araw, kapag ipinatawag namin ang mga magulang ng mga batang nasasangkot, ay bulyaw, batok o sapok ang agad tinatanggap ng mga bata mula sa mga nasabing magulang. Ngayon po ay nabawasan na ang ganitong paguugali dahil sa aming pagpapatupad at pagpapa-alala sa kanila ng mga karapatang pambata at mga pointers na may kinalaman sa responsible parenthood…

3. Pagtatakda ng mga gawain at programa tungkol sa “children in conflict with the law.” Ang makabagong kapitan ay dapat laging updated sa makabagong panahon, upang higit siyang maunawaan ng mga kabataan sa mga gawain at programang nais nilang ipatupad. Kailangang alam niya ang lenguahe ng makabagong kabataan. Dapat ay updated din siya sa facebook at iba pang sites. Dapat ay bihasa rin siya sa paggamit ng mga bagong uri ng komunisayon at mga kauri nito. Pati na rin sa ang lengwahe ng mga bakla na madalas na ring gamitin sa pagsisikreto ng mga bagay bagay, kung maaari. Sa ganitong paraan, mas higit siyang mapapalapit sa kabataan. Nakakatawa man, but this is very true, since he has something in him, that the youth or the children in conflict with the law, can truly identify with.” Maari pong ito ang maging isa sa mga daan upang magtiwala ang mga kabataan sa kapitan… Bumalik po tayo sa Facebook. Kadalasan po ay mga kabataan ang nandirito at gumagamit nito ngunit hindi po naman ito limitado sa kanila. Nakaaaliw at nakaiintriga ang proseso nito. Sa tamang paggamit nito, maaabot mo ang mga kabataang dati rati’y wala kang pakialam at kaalaman. Dito maaari mong maiparte sa kanila at mapagusapan ang isang libo’t isang topic…. pampolitika, pangkabuhayan, personal, pagkaibigan at iba pa. Ang mga estudyante ay malaya mo ring makakausap, mapapayuhan, mapapaalalahanan at dito ka rin nila buong pusong tatanggapin at pagtitiwalaan. Sa mga bagay na nais mong malaman, ang PM o personal message ay mainam gamitin upang makalikom ka ng mga impormasyon na hindi mo kadalasang makukuha sa isang harapang paguusap. Mga impormasyong magagamit mo para sa epektibong pagpapalakad ng barangay.

4. Pagpapahusay at pag iibayo ng serbisyo ng Barangay Women’s and Children’s Desk bilang behikulo sa pagsasa-ayos ng mga usapin at kalagayan ng CICL sa barangay. Sa mga kaso po namang pambata at pangkababaihan ay babae rin po ang humaharap, siya po ang aming VAWC officer. Ang paniwala po namin, dahil sa kanyang mother image ay madali siyang makapalagayang loob ng mga bata at mga babae sa mga pambabaeng suliranin na hindi tamang lalaki ang nakikinig at humaharap…

5. Scholarship o pagkukupkop sa mga kabataang binigyan ng muling pagkakataon upang makapag bago at maging kapaki-pakinabang sa barangay. Malaking porsyento ng mga scholarship ay isinasakatuparan sa tulong ng aming mayor, kongresman at pati na rin mula sa tulong ng aming mga konsehales. Mayroon rin kaming volunteers at pribadong sponsors na aming katulong sa pag-aasikaso at pagbibigay serbisyo sa aming mga kabataan. Kadalasan po ay involved sila sa mga sumusunod…

1. Tree Planting and Gardening

2. Lakbay aral

3. Pagbuo ng grupong pangkultura na kadalasan nagtatanghal kapag may programang pangbarangay

4. At iba pang Sports Activities at laro lalo na sa tag-araw

6. Pagpapatupad sa barangay na limitahan ang oras ng pagtitinda hanggang 11:00 ng gabi upang maiwasan ang paglabag sa curfew at vagrancy ordinance ng lungsod at upang lalong maprotektahan ang kabataan sa ano mang tangka ng karahasan. Ang kilos na ito ay suportado ng mga may ari ng tindahan upang malimitahan ang paglabas labas ng mga kabataan. Kaya naman, mabilis ang pagbaba ng insidente ng paglabag sa curfew hours at iba pang krimen na aming naitala.

7. Pagpapalawig ng gawaing pampalakasan o isports upang mas maging ganap na malusog at abala ang kabataan sa programang ikauunlad ng kanilang pisikal na katauhan. Kaugnay po nito, Ang kalahating araw ng sabado ay tanging nakalaan sa kabataan namin upang makapaglaro sa covered court. Isa itong pagbibigay halaga sa kanilang karapatang makapaglaro mula sa 5 araw na iginugol sa pag-aaral. Ito po ay upang maiwasan ang pagdodomina at pangbabarako ng mga higit na nakatatandang kabataan sa paglalaro sa court…

Bilang ama ng barangay, kasama ang aking konseho, naniniwala po kami, na hindi po sana namin naisakatuparan ang lahat ng mga pagbabagong ito na nagdulot ng kaayusan at kaunlaran sa aming komunidad kung wala ang pakikiisa ng karamihan sa aming mga mamamayan at sa suportang ibinibigay ng aming butihing Mayor at Congressman lalo’t higit sa mga programang may kinalaman sa mga kabataan…

Mapalad rin po ako sapagkat nagkaroon ako ng pamilya na lubos na nakauunawa sa aking responsibilidad bilang kapitan. Ang akin pong maybahay ay tumatayo rin pong INA ng aming barangay at siya rin po aking kaagapay sa pakikitungo sa aming mga kababaihan.

BATANG NAGKASALA, AMING KINUPKOP, MINAHAL AT ITINURING NA MAHALAGA SA LIPUNAN

Ano pa nga po at ang mga parangal na sa amin ay iginagawad, kasama na rin po rito ang aming pagiging “Most Child Friendly Barangay” ay maituturing ko po lamang na isang dagdag hamon sa aming bokasyon . Ito rin po ay nangangahulugan ng mas malaking responsibildad upang lalong higit na mapabuti at maisaayos ang kalagayan ng mga kabataan sa aming barangay.

Maging nuong araw pa man, ang aming Mayor Benhur Abalos ay mayroon ng programa na nauukol sa pagkalinga sa mga kabataang nalilihis ng landas. Sila ang counterpart ng mga CICL ngayon. Ang programa po ay tinaguriang OPLAN LINGAP. Nakapaloob po rito ang pagtuturo, paglingap at reintegration ng mga kabataan sa barangay o sa lipunan sa kabuuan. After the violators were identified, they were given a chance to change their lives trough, seminars, pep talks and giving them jobs, all sponsored by OPLAN LINGAP. Tuwing sasapit po ang kapaskuhan, nuon magpasa hanggang ngayon, ang proyekto pong pagpapa-ilaw sa mga kalye at sa City Hall Complex ay isinasagawa sa tulong ng mga CICL na ito. Sa loob po ng mahigit isang buwan ay nagkakarooon ng mapagkakakitaan at pinagkakaabalahan ang mga kabataang ito. Ang bilin po ni mayor sa namamahala sa proyektong parulan ng lunsod ay laging papaalalahanan ang mga nasabing kabataan sa magandang kaugalian at tamang pagdedesisyon upang tuluyan ng mabago ang kanilang pananaw sa buhay at di na muling bumalik pa sa kanilang pangit at delikadong nakaraan. At higit sa lahat, lagi raw pong silang tratuhin sa makataong paraan. alam ko pong totoo ang mga pangyayaring ito, sapagkat ang naatasan niyang tagapamahala ay…..ako!

Isa pa pong istorya ng isang kabataang naligaw ng landas (CICL) sa aming barangay.

Nakasaad po sa isang text message na aking tinanggap mula sa isang concerned citizen, ang pagma-marijuana diumano ng ilang kabataan sa isang lugar na nasasakupan ng aming barangay. Sa amin pong isinagawang pagresponde ay mabilis na nakatalilis ang mga ito ngunit may naiwan pong isa, na matapos naming ipabatid sa kanya ang mga pangyayari ay inimbitahan at isinama na po namin siya sa barangay. Dito po ay napag-alaman naming minor pa po siya at may edad 15 taon lamang. Napagalaman po naming wala na siyang ama at nanay na lamang ang mayroon siya. Wala man kaming nakuhang ebidensiya ay inamin naman niyang totoo ang akusasyon at mga kasamahan niya ang nagsitakbo. Kinaon at pinaliwanagan namin ang kanyang ina ukol sa pangyayari at duon ay kanya namang nabanggit na sila ay hindi nagkakasundo at medyo nagrerebelde ang bata. Nakiusap ang ina na kung maaari, dahil sa kanyang edad ay mag community service na lamang ang bata at kung maari rin ay tulungan siyang mapaliwanagan ang bata tungkol sa kanilang kalagayan at sana’y muling mapalapit sa kanya ang bata. Nagdalang habag po kami sa mag-ina at kami ay pumayag. Batay sa napagkasunduan, ang bata ay darating sa barangay hall at uuwi tulad ng isang empleyado. Magmamasid masid siya sa mga kaganapan sa barangay at kung gusto niyang tumulong ay hindi namin siya pipigilan. Sa loob po ng tatlong linggo ay kasama sama namin siya pati na sa pagkain. Sa kanya pong pagtulung-tulong sa garden, sapag-lilinis ng park, sa paglalaro sa court at sa pag-alalay sa computer room ng barangay ay natutuhan na po niyang makibagay. Di naglaon ay nag open na rin po siya at hindi na confused gaano at asiwa. Sa mga pagkakataong nabanggit ay busog naman po siya sa pangaral at paliwanag ng tungkol sa buhay buhay, sa kanyang responsibilidad, at sa kanyang hinaharap, anupa’t hindi naglaon ang dating malungkuting bata ay naging masayahin na at mapagbiro, nagkaroon ng tiwala sa sarili at nasanay ng maayos na humarap sa tao, di tulad noong dati. Sa kanyang pag alis ay nangakong iiwas na siya mga barkada, magaaral at gugugulin na lamng niya ang kanyang libreng panahon sa pagtulong sa kanyang ina. Amin namang ipinabaon sa kanya ang kasiguruhan na lagi kaming nandirito kung muli niya kaming kakailanganin at kung may mga katanungan siyang nais maliwanagan. Nang huli namin siyang kamustahin ay masaya na siya sa piling ng kanyang nanay at nag-aaral ng muli.

TOTOO PO, Sa aming barangay, ang isang bata, Nagkasala Man, Protektado At INAASIKASO PA RIN NAMIN..

Pero hindi po ito magiging totoo sa lahat ng panahon.

Kailangan namin ang suporta ng bawat magulang at pakikiisa ng bawat kabataan.

Sa aking pagtatapos, iiwan ko sa inyo ang isang pahayag mula sa isang mahusay na manunulat, na si Maria Salome Mangubat…. Ayon sa kanya

”THERE WILL BE NO DELINQUENT CHILDREN IF THERE ARE NO DELINQUENT PARENTS.”

Huwag po sana nating pabayaan ang ating mga kabataang naliligaw ng landas. Gabayan po natin sila pabalik sa tamang daan ng buhay…

Muli sa inyong lahat, magandang araw po at mabuhay ang bawat kabataang Pilipino !

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>